-- Advertisements --

Nasa mahigit 100 fans ng American popstar na si Taylor Swift ang nagpasaklolo ngayon sa National Bureau of Investigation.

Ito ay matapos na matangay mula sa kanila ang tinatayang nasa halos Php15 million na halaga ng pera makaraang mabiktima ng scammer na nagpanggap na nagbebenta ng tickets para sa `The Eras Tour’ concert in Taylor Swift.

Ayon sa ilang mga biktima, nakilala nila ang naturang scammer online sa isang page sa social media.

Napaniwala raw silang lehitimo ang ibinebenta nito sapagkat may ipinapakita raw itong mga patunay, ID, at selfie photo, at nakipag-meet up din sa ibang mga biktima nito para magpapirma ng kontrata na nagsasaad na maaari siyang kasuhan sa oras na wala siyang naibigay na tickets.

Ngunit pagsapit ng mismong araw ng kuhaan na ng tickets ay walang maibigay ang inirereklamong seller.

Samantala, sa ngayon ay nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing kaso upang mapanagot naman ng tuluyan ang salarin sa naturang panloloko.

Kung maaalala, una nang nagbabala ang mga otoridad sa publiko na palaging maging mapagmatyag at huwag agad agad maniniwala sa mga makikita online upang hindi mabiktima ng ganiton uri ng mga panloloko. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)