Matagumpay na nasagip ng pamahalaan ng Nigeria ang humigit-kumulang 100 mag-aaral na dinukot noong nakaraang buwan at dinala sa kabisera ng Minna. Hindi naman ibinahagi ng pamahalaan ang detalye ng operasyon, kung ito ba ay naisagawa sa pamamagitan ng negosasyon o ransom.
Pinuri ni Nigerian President Bola Tinubu ang mga rumespondeng team at iginiit na dapat maibalik nang ligtas ang lahat ng biktima ng kidnapping sa bansa. Nangako rin siyang paiigtingin ang seguridad upang maiwasan ang pagdami ng ganitong insidente.
Itinuturing na isa sa pinakamalalaking mass kidnapping sa bansa ang nangyari, kung saan ayon sa Christian Association of Nigeria, higit 300 estudyante at 12 kawani ng pamahalaan ang dinukot, at 50 sa mga ito ang unang nakatakas.
Nagdulot ng malawakang galit sa publiko ang insidente, lalo na sa harap ng lumalalang kaso ng kidnapping sa mga paaralan sa hilagang bahagi ng Nigeria.
Samantala, nilagdaan ng Estados Unidos at Nigeria ang isang joint agreement para sa pagbuo ng isang task force na layong palakasin ang seguridad at labanan ang terorismo sa bansa.










