Nakatakdang sumailalim sa rehabilitation program ng pamahalaan ang nasa mahigit 1,000 indibidwal na dating nalulong sa ilegal na droga.
Ito ay matapos na i-turn over ang mga ito ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Department of Health bilang bahagi ng anti-illegal drug campaign ng pamahalaan na “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” o BIDA Program.
Sa ginanap na rollout ng nasabing programa ay dumalo ang nasa 100 dating drug addict na kumakatawan sa 1,490 drug surrenderer sa buong National Capital Region at nakatakdang sumailalim sa drug rehabilitation at wellness program ng Department of Health (DOH) na katuwang din ng gobyerno sa nasabing kampanya.
Dagdag pa ni NCRPO chief Major General Jonnel Estomo, kaugnay nito ay naglunsad din ang kanilang hanay ng recovery at wellness program kung saan nasa 13,804 individuals na ang naka-graduate habang nananatiling nasa 4,403 katao pa mula sa 76,778 individuals ang nakatakda namang grumaduate sa Enero sa susunod na taon.
Kung maaalala, una nang ipinaliwanag ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na pagkakalooban ng livelihood assistance at tutulungan ng pamahalaan na magkaroon ng mas maganda at maayos na bagong buhay ang lahat ng makakatapos sa nasabing programa.