Narekober ang nasa 1,150 na mga bangkay ng mga sibilyan sa Kyive region sa Ukraine simula nang magsimula ang naging pananalakay ng Russia sa nasabing bansa.
Ayon sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, 50 hanggang 70 porsiyento sa mga ito ang nagtamo ng mga tama ng baril sa ilang bahagi ng kanilang mga katawan.
Sinabi ni Kyiv regional police chief Andriy Nebytov, karamihan sa mga nakitang mga labi ay mula sa Bucha kung saan natagpuan ang daan-daang mga bangkay na nakakalat sa lansangan.
Samantala, muli namang iginiit ni Nebytov na ang naturang bilang ay pawang mga sibilyan at hindi mga militar na naipit lamang sa mas tumitindi pang kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Magugunita na una nang inakusahan ng Ukraine ang Russia at sinabing ang Russian forces daw ang siyang pumaslang sa naturang mga indibidwal.
Patuloy naman na itinatanggi ng Russia ang mga alegasyon na nito na tumatarget umano sila ng mga sibilyan tulad na lamang ng kalunus-lunos na sinapit ng mga residente sa Bucha.