Kinumpirma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Sabado, Marso 28, na binigyan ng special permit to operate ang kabuuang 1, 297 pampasaherong bus sa bansa para sa Semana Santa.
Inaasahan kasi sa ganitong panahon ang pagbuhos ng mga pasaherong magsisiuwian sa mga probinsiya para magbakasyon at gunitain ang Mahal na Araw.
Ayon kay LTFRB chairperson Vigor Mendoza II, binigyan ng special permits ang mga bus para matiyak na mayroong sapat na units na papasada sa kagsagsagan ng pagdagsa ng mga pasahero.
Maliban dito, inaasahan din ng ahensiya ang mas maraming pasahero dahil marahil mas pipiliin ng marami na maging praktikal at hindi na muna gagamitin ang kanilang mga pribadong sasakyan sa gitna na rin ng mataas na presyo ng langis.
Kaugnay nito, inatasan na ng LTFRB chief ang lahat ng regional directors ng ahensiya na tiyaking sumusunod ang mga public utility vehicle terminals sa road worthiness at inspection protocols.
Inatasan din niya ang bus operators at drivers na siguruhing ligtas at maayos ang biyahe ng mga pasahero.
Samantala, nagsagawa ang ahensiya ng mahigpit na inspeksiyon sa PUV terminals para matugunan ang mga reklamo sa mga pasilidad na magkokompromiso sa kaligtasan ng mga pasahero.
Nagbabala rin ang opisyal sa mga lalabag na ipapatawag at pagpapaliwanagin kung bakit hindi sila dapat patawan ng parusa.
















