BAGUIO CITY – Sa kulungan ang bagsak ng magsasaka sa Benguet matapos mahuli ito sa isang entrapment operation kahapon sa Benguet Agri-Pinoy Trading Center dahil sa pagbebenta ng pekeng pesticide.
Nakilala itong si Damson Osngao, 38-anyos, may asawa at residente ng Betag, La Trinidad, Benguet.
Una rito, nakabili ang operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng pekeng pesticide mula sa suspek at ipinasuri nila ito sa Fertilizer and Pesticide Authority – Benguet Chapter.
Lumabas sa pagsusuri ng grupo na peke ang naturang pesticide.
Dahil dito, nagsagawa ang mga otoridad ng entrapment operation na nagresulta sa pagkahuli sa suspek.
Nakumpiska kay Osngao ang 11 bote ng Abamectin na nagkakahalaga ng P24,000, at 20 bote ng Paraquat Dichloride na nagkakahalaga naman ng P20,000.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1144, partikular ng tamang paggamit at pagbenta ng mga fertilizers at pesticides.