CAUAYAN CITY- Mahaharap sa kasong disobedience to a person in authority, grave threat, alarm and scandal at paglabag ng Rep. Act. 11332 sa ilalim ng COVID 19 pandemic ang isang magsasaka matapos na mag-amok sa Pelaway, Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang suspek ay si Selboy Javier, 30 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng nasabing lugar.
Habang ang mga biktima ay sina Punong Barangay Timmy Gabogen, 51 anyos, Police Patrolman Pablo Tumaliuan, Patrolman Arjay Manibug at Patrolman Jeffrey Verosil na pawang nasa wastong gulang at mga kasapi ng Provincial mobile force company 2nd maneuver platoon Pelaway Patrol Base.
Lumabas sa pagsisisyasat ng mga otoridad na unang nakatanggap ng ulat mula sa concerned citizen ang tanggapan ng Provincial Mobile Force Company kaugnay sa pag-aamok ng isang lasing sa nasabing barangay.
Ang pag-aamok ng magsasaka ay naganap habang nagpapatrolya ang ilang opisyal ng barangay sa pangunguna ni Brgy Captain Gabogen.
Ayon kay kapitan Gabogen sinita nila ang nasabing suspek dahil sa paglabas nito sa lansangan habang ipinapatupad ang curfew hour, subalit sa halip na tumalima ay hinamon pa umano nito ng suntukan ang mga opisyal ng barangay at nagbanta pang papatayin ang mga ito.
Sa pagtugon ng mga pulis ay agad nadakip ang suspek at naidala sa himplan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasiyon.