-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Patay na nang matagpuan ang isang magsasaka nang magbigti sa probinsya ng Cotabato.

Ang biktima ay 47 anyos,may asawa at residente ng Sitio Balawan Brgy Malasila Makilala North Cotabato.

Ayon ay ulat ng Makilala PNP na nagpaalam lamang ang biktima sa kanyang asawa para pumunta sa kanyang sakahan ngunit hindi na nakabalik sa evacuation center kung saan temporaryong nakatira ang kanyang pamilya na lumikas nang tumama ang sunod-sunod na lindol sa probinsya.

Patay na nang matagpuan ang magsasaka na nagbigti sa loob ng lumang bahay ng kanyang ama.

Sinabi ni Brgy Malasila Brgy Kapitan Melvin Fortajada na dalawang beses nagkasakit ang biktima at nagpa-ospital dahil hindi kumakain at hindi makatulog sa loob ng evacuation center.

Marami ang naniniwala na dahil sa sobrang depresyon kinitil ng magsasaka ang kanyang sariling buhay nang masira ang kanyang bahay na matagal na niyang pinondar na tinamaan nang pagguho ng lupa dulot ng lindol.

Nakatira lamang ang sampung pamilya sa mga temporary shelter sa likod ng Barangay hall sa Brgy Malasila matapos ilipat nang magsimula ang klase ng mga mag-aaral.

Sa ngayon may nahanap ng lote ang Makilala LGU na magsisilbing relocation site sa mga bakwit nang lindol.