CAUAYAN CITY – Natagpuan na kahapon ang katawan ng isang magsasaka sa ilog na bahagi ng Viga, Angadanan, Isabela.
Ang biktima ay si Jayson Garcia, 36-anyos at residente rin ng naturang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rassel Tuliao, hepe ng Angadanan Police Station, sinabi niya na sa isinagawang search and retrieval operation ng Angadanan Police Station, MDRRMO at mga civilian volunteers ay natagpuan ang bangkay ng biktima kahapon ng tanghali.
Dinala sa punerarya ang bangkay at isinailalim sa postmortem examination.
Ayon kay PMaj. Tuliao, alas tres kahapon nang natanggap nila ang pabatid ni Punong Barangay Reynaldo Panganiban Jr. ng Barangay Viga na may nalunod sa kanyang nasasakupan.
Batay sa mga kasamahan ng biktima na sina Richard Pascua at Jimmy Gumtang habang nag-iinuman sila ay tinangka ng biktima na tumawid sa ilog ngunit nalunod nang mapunta sa malalim na bahagi ng ilog.
Sinikap nilang saklolohan si Garcia ngunit hindi na nila nakita.
Agad silang humingi ng tulong sa Angadanan Police Station at Rescue 115 Angadanan para hanapin ang biktima hanggang makita ang palutang-lutang na katawan nito sa ilog.