Nagkabitak-bitak ang bahagi ng Pier Site sa Sitio Balete, Barangay Alimsog sa bayan ng Sto. Domingo, Albay matapos ang naitalang magnitude 5.3 na lindol noong Hunyo 5, 2026, ganap na alas-9:57 ng gabi.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang lindol ay may lalim na 9 kilometro at natukoy sa lokasyong humigit-kumulang 15 kilometro timog silangan ng Sto. Domingo, Albay.
Itinala ang Intensity V sa Sto. Domingo at Lungsod ng Legazpi, habang Intensity IV naman sa Tabaco City, Ligao City, Malilipot, Albay, at ilang bayan sa Sorsogon gaya ng Cogon, Irosin, at Donsol. Naramdaman din ang Intensity III sa Naga City, Malinao, Albay, at sa Sorsogon City, Prieto Diaz, at Juban. Sa Goa, Camarines Sur at Bulan, Sorsogon ay naitala ang Intensity II.
Sa instrumental intensities, lumabas ang Intensity VI sa Tabaco, Albay; Intensity V sa Castilla, Sorsogon; Intensity IV sa Sorsogon City at Iriga City, Camarines Sur; Intensity III sa Prieto Diaz, Sorsogon; Monreal, Masbate; Sagnay, Sipocot, Pili, at Mercedes, Camarines Sur; at Intensity II sa Pasacao at Ragay, Camarines Sur; Milagros, Masbate; San Roque at Gandara, Northern Samar.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang assessment ng mga kinauukulan upang matukoy ang lawak ng pinsala, lalo na sa Pier Site na nagpakita ng bitak matapos ang pagyanig.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan, ngunit patuloy na pinapayuhan ang mga residente na maging mapagmatyag sa posibleng aftershocks at epekto ng lindol sa mga gusali at imprastruktura.
















