VIGAN CITY – Nagpapatuloy pa rin ang rescue and response operations ng otoridad sa mga sinalanta ng magkakasunod na lindol sa Mindanao kasama ang local government unit rescue personnel.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) – Office of the Civil Defense (OCD) spokesman Mark Timbal.
Ayon kay Timbal, aabot na sa 17 ang patay sa Mindanao pagkatapos ng pagyanig noong October 29 at October 31 habang 327 katao na ang nasugatan at dalawa pa rin ang pinaghahanap kung pagbabatayan umano ang kanilang huling hawak na datos.
Nasa 28, 222 naman na istruktura ang nasira dahil sa lindol kung saan 27, 350 rito ang mga kabahayang napinsala.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Timbal na pinag-aaralan na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang posibilidad na ang paggalaw ng isang fault line na nagdudulot ng stress sa katabi nitong fault line.
Posible raw kasi na ito ang rason ng magkakasunod na lindol sa Tulunan, North Cotabato at katabing lugar dahil halos magkakatabi lang ang ilang fault line sa nasabing lugar.