-- Advertisements --

Nakakaalarma para sa National Bureau of Investigation ang magkakasunod na bomb threat na natanggap ng ilang ahensya ng pamahalaan.

Ito ang inihayag ng naturang kawanihan sa gitna ng kanilang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.

May kaugnayan pa rin ito sa mga napaulat bomb threat sa magkakahiwalay na lugar sa Pilipinas, partikular na ilang mga government agencies mula sa isang Takahiro Karasawa na nagpakilalang Japanese lawyer.

Ayon sa NBI, si Karasawa ay ang parehong pangalan na lumitaw na nagpadala rin ng bomb threat sa MRT system noong Setyembre 8, 2023.

Lumalabas din na ginamit ang pangalan na ito sa iba pang mga bomb threat na napaulat sa ibang bansa.

Sabi ng NBI, nakakaalarma ang pattern na ginagawa ng salarin na nasa likod nito dahilan kung bakit kinakailangan aniya itong agad na mabigyan ng kaukulang aksyon.

Kaugnay nito ay nakikipagtulungan na ang naturang ahensya sa Japan Police Attache at maging sa iba pang law enforcement agencies para sa pagtugon at pag-iimbestiga sa kasong ito.

Samantala, kasabay nito ay patuloy namang hinihimok ng kagawaran ang publiko na maging mapagmatyag, maging vigilante sa lahat ng oras, at agad na i-report sa mga kinauukulan ang anumang uri ng kahina-hinalang aktibidad o impormasyong may kaugnayan sa kasong ito.