LA UNION – Makalipas ang halos apat na dekada o 40 taon ay magkikita-kita na rin ang pitong magkakapatid sa lalawigan ng La Union matapos mawalay ang isa sa kanila.

Nagpapasalamat si Gina Galano-Gustillo ng Luna, La Union sa Bombo Radyo na nagsilbing daan upang makita ng kanyang ama na si Renato Galano ang kapatid si lola Lydia Galano na matagal na nilang pinaghahanap.

Si Gina ang nakakita sa larawan ni lola Lydia ng Baler, Aurora na nanawagan sa Facebook Page ng Bombo Radyo La Union at hinahanap ang kanyang mga kapatid sa La Union.

Natutuwa naman si lolo Renato, lolo Simplicio, at lola Purita Galano sa balitang buhay ang kanilang kapatid na si lola Lydia dahil sa pag-aakala na sumakabilang buhay na ito.

Umaasa ang magkakapatid na sa lalong madaling panahon ay magsasama-sama sila muli.

Labing tatlo umano ang mga magkakapatid na Galano, ngunit pito lamang sa kanila ang nabubuhay pa.