TUGUEGARAO CITY-Dadagdagan ng Magat Dam sa Ramon, Isabela ang alokasyon ng tubig para sa power generation simula Mayo 6 upang masiguro ang sapat na supply ng kuryente sa midterm elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Engr. Eduardo Ramos, manager ng Magat Dam na magdaragdag ng 10 cubic meters mula sa kasalukuyang 30 cubic meters ang MagatDam sa SN Aboitiz para sa power generation.

Magtatagal aniya ito hanggang sa Mayo 21 upang sa gayon ay matiyak ang maayos na electricity supply sa mismong araw ng halalan lalo’t kailangan ang kuryente sa automated voting system.

Samantala, bahagyang tumaas ang lebel ng tubig ngayon sa Magat Dam na nasa 173.1 meters.

Nagkaroon daw kasi ng mga pag-ulan sa water shed area ng Magat Dam kaya bahagyang tumaas ang tubig.

Kasabay nito, pinayuhan ni Ramos ang mga magsasaka na simulan na ang paglilinis sa mga sakahan bago ang pagbibigay ng tubig sa irigasyon sa Hunyo 3 upang paghandaan ang susunod na planting season.