-- Advertisements --

Aminado ang Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi pa naaabot ng pamahalaan ang “Magalong formula” pagdating sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) contact tracing sa bansa.

Ito ay matapos sabihin ni DILG Usec. Jonathan Malaya na batay sa formula ni Baguio City Mayor at tracing czar Benjamin Magalong dapat ay 37 contacts ang dapat na ma-reach o matukoy para sa bawat isang COVID-19 patient sa loob ng bente-kwatro oras.

Ayon kay Malaya, ito na ang “strictest contact tracing” sa ano mang bahagi ng mundo.

Pero kung ikukumpara ang Magalong formula sa kasalukuyang performance para sa contact tracing, sinabi ni Malaya na hindi pa talaga ito naabot.

Sa kabila nito, sinabi ni Malaya na dahil sa bagong set ng mga contact tracer ng pamahalaan ay posibleng makamit na ang “1 COVID-19 patient : 37 contacts” na Magalong formula.

Ayon kay Malaya, ang mga bagong contact tracers ay nakatuon lamang talaga sa contact tracing, hindi tulad ng mga pulis o mga kawani ng mga lokal na pamahalaan na hati ang atensiyon.

Sa ngayon, mahigit 10,000 na ang mga contact tracers na na-hire ng gobyerno at patuloy aniya ang recruitment hanggang sa mabuo ang 50,000 na target na bilang ng contact tracers.