CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga kasapi ng Ilagan City Police Station ang mag-live in partner sa isinagawang drug buy bust operation.

Ang mga dinakip ay sina Guilbert Ladimo, 34, residente ng Cabannungan First, Ilagan City at si Mary 34, residente ng kalakhang maynila.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Ilagan City Police Station, kay Ladimo nakipag-transaksiyon ang umaktong poseur buyer.

Sa isinagawang drug buy bust operation ay kasama ni Ladimo si Mary at sa bag ng babae inilagay ang hinihinalang droga na iniabot ni Ladimo sa poseur buyer.

Nasamsam sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu, buy bust money at cellphone.

Inihayag naman sa Bombo Radyo Cauayan ni Mary na nadamay lamang siya at hindi niya alam na droga ang inilagay ni Ladimo sa kanyang bag.

Aminado naman si Mary na gumagamit ng illegal na droga ang kanyang kinakasama.

Inamin din ni Guilbert Ladimo na gumagamit siya ng illegal na droga at napilitan lamang niyang ibenta ang droga na nakalaan sana niyang gamitin.