LEGAZPI CITY – Kinumpirma ni Catanduanes Gov. Joseph Cua na gumamit ng pekeng quarantine certificate upang makauwi sa lalawigan ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na umano’y positibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Una rito, naglabas ng pahayag si Provincial Health Office spokesperson Dr. Franchette Panti na positibo sa COVID ang OFW batay sa tawag mula sa Bureau of Quarantine subalit nakauwi sa San Miguel.

Noong Mayo 23 nang dumating ito sa Pilipinas at dinala sa isang hotel sa Makati hanggang Hunyo 5.

Hunyo 6 naman nang ibiyahe mula sa Maynila hanggang Tabaco kung saan nagpakita ito ng quarantine certificate na may petsang Hunyo 5 at sertipikasyon na “COVID-19 free.”

Nakarating pa ito sa Tabaco City noong Hunyo 7 at nagpalipas ng isang gabi sa Tabaco National High School na nagsilbing quarantine facility, sumabay sa morning trip pauwi sa Catanduanes nitong Hunyo 8 at sinalubong pa ng Rural Health Unit team patungo sa pasilidad sa San Miguel.

Sa ngayon ay nakipag-ugnayan na ang Provincial Health Office sa mga nakasalamuha ng OFW at sisimulan ngayong araw ang pagkolekta ng specimens sa mga contact na pawang nasa quarantine na rin.

Nagkaroon na rin umano ng emergency meeting kasama ang mga local government unit concern, Overseas Workers Welfare Administration, Department of the Interior and Local Government, at Bureau of Quarantine.

Samantala, pinag-aaralan na ng provincial government ang posibleng civil at criminal liabilities na isasampa laban sa OFW.