CAGAYAN DE ORO CITY -Kakasuhan ng double homicide at damage of properties ang ten wheeler truck driver na nasa likod nang pagka-rambola ng ilang mga sasakyan sa kahabaan ng Purok 4,Barangay Sinangguyan,Don Carlos,Bukidnon.
Epekto ito nang pagkasawi ng mag-asawang magsasaka na sina sina Wenefredo at Wendelyn Agustin nakasakay ng kanilang pagmamay-ari na Ford Ranger pick up na kabilang sa nabangga ng trak na minaneho naman ni Florentino Enad na lahat mga residente sa lugar.
Sa impormasyon na ipinaabot sa Bombo Radyo ni Don Carlos Police Station commander Maj Jose Sevellino na galing sa bayan ng Maramag ang trak na mayroong karga na mga tubo ng hindi inaasahan na nawalan ito ng preno kaya inararo ang apat na mga sasakyan.
Sinabi ni Sevellino na nasa tatlong 4-wheels at isang motorsiklo ang inararo ni Enad dahil hindi na nito kontrol ang takbo ng kanyang minaneho na sasakyan.
Nagtamo ng malaking danyos ang pick-up vehicle na sinakyang ng mag-asawang Agustin dahilan na sila ang binawian ng buhay.
Agad naman sumuko ang driver-suspect dahilan na sasampahan ito ng kaukulang mga kasong kriminal sa piskalya sa susunod na linggo.