KORONADAL CITY – Nagpositibo sa COVID-19 ang mag-asawang guro sa Bangkok, Thailand pati ang siyam na taong gulang na anak ng mga ito.
Ito ang malungkot na ibinalita ni Bombo International Correspondent Wendel Glenn Jumalon, isang guro sa Thailand at tubong Bukidnon, sa panayam ng Bombo Radyo.
Ayon kay Jumalon, anim na sa naturang pamilya ang isinailalim sa test at apat sa mga ito ang nagpositibo sa COVID-19.
Sa unang mga araw ay naging kritikal ang kondisyon ng tatay ngunit kalaunan ay bumuti naman aniya ito at kasalukuyang nagre-recover pa rin.
Hindi naman umano nagpabaya ang Filipino Community sa Bangkok at tinulungan din ang pamilyang ito..
Sa ngayon, aminado ang mga OFW sa Thailand na apektado rin ang kanilang kita dahil sa pagbaba ng halaga nga Thailand Baht na kanilang ipinapadala sa kanilang pamilya sa bansa.