CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang mag-ama sa madugong vehicular accident sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga nasawi na si Juan Nuevo at ang kanyang anak na si Jonathan Gandalla Nuevo,mga residente ng Davao City.
Ayon kay Arakan Chief of Police,Captain Gaspar Maquiwe na lulan ang mga biktima sa isang multicab kasama ang kanilang dalawang kamag-anak sa Brgy Gambudes Arakan North Cotabato.
Huminto ang multicab sa gilid ng national highway dahil nagbigay daan na mauna ang kasalubong na sasakyan sa isang road construction.
Ngunit biglang nag-overtake ang isang kotse sakay ang limang mga lasing na Indian National na minamaneho ni Akash Suresh at inararo nito ang multicab.
Patay on the spot ang mag-ama nang maipit sa multicab na nahulog sa malalim na kanal sa gilid ng kalsada.
Sugatan naman ang limang Indian National at dalawang mga kamag-anak nina Nuevo.
Ang mga sugatan ay agad dinala ng mga nagrespondeng mga tauhan ng rescue 911 at pulisya sa isang pagamutan sa Davao City.
Narekober naman sa loob ng kotse ng mga Indian National ang mga bote ng nakakalasing na inumin.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Traffic Unit ng Arakan PNP sa naturang pangyayari.