-- Advertisements --

Kumasa ang nagpakilalang dati umanong ”bag-man” ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga, sa naging hamon na suntukan ni Davao City Mayor Sebastian ”Baste” Duterte.

Sa isang liham na ipinadala ng kanyang abogado na si Atty. Raymund Palad, ipinahayag ni Madriaga ang kanyang sagot sa hamon ni Baste.

Aniya, ikinararangal niya ang naging hamon mula sa anak ng dating pangulo.

“I’m so honored to be challenged by a former presidential son into a fistfight,” saad ni Madriaga sa isang letter.

Sinabi pa ni Madriaga ang kanyang kasalukuyang kalagayan ngayon kung saan siya’y nakakulong, may limitadong galaw, at nasa edad na 58 anyos. Dahil dito, iminungkahi niya na lang na hamunin ng alkalde ang taong kaedad at kasing-laki nito.

Gayunpaman, sinabi ni Madriaga na handa pa rin siyang makipagsuntukan, ngunit sa ilalim ng ilang kondisyon, kabilang na riyan ang pagresolba muna ng mga kasong kinahaharap niya.

Bilang alternatibo, iminungkahi niya pa na isagawa ang laban sa kanyang kinaroroonan sa Annex 2 ng Camp Bagong Diwa, kung saan aniya’y handa siyang harapin ang alkalde.

Matatandaang nag-ugat ang palitan ng pahayag matapos hamunin ni Mayor Baste si Madriaga ng “no holds barred” na suntukan, kasunod ng pagkakabanggit sa kanyang pangalan sa supplemental affidavit na iniharap sa pagdinig ng House Justice Committee kaugnay ng impeachment proceedings laban kay VP Sara.