Inilarawan ng testigong si Ramil Madriaga sa pagdinig ng Kamara ang laki at hitsura ng large dark duffle bag na pinaglagyan umano ng aabot sa P35 milyong confidential funds na ipinahatid diumano ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Justice Committe , kinuwestiyon ni Manila 3rd District Representative Joel Chua ang magkaibang paglalarawan ni Madriaga sa kaniyang dalawang sinumpaang salaysay.
Napansin ng mambabatas na sa unang dokumento ay tinukoy itong duffle bag, habang sa kaniyang supplemental affidavit ay inilarawan na itong large dark bags.
Sa kaniyang paglilinaw, kinumpirma ni Madriaga na ang ginamit ay isang napakalaking dark duffle bag.
Nang ipagkumpara sa mga halimbawang bag na ipinakita sa pagdinig, iginiit ng testigo na tatlo hanggang apat na beses na mas malaki ang orihinal na bag na kaniyang binitbit.
Nilinaw rin niya na ang nasabing bag ay walang gulong at mas malapad at makapal kumpara sa ipinakita sa screen ng komite.
Ang detalyeng ito ay karagdagan sa naunang pasabog ni Madriaga kung saan itinuro niya ang Pangalawang Pangulo na direktang nag-utos sa pag-deliver ng pondo sa Office of the Ombudsman, sa Laguna, at sa lokasyong tinawag na Nomu Bashu.
















