-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nananatiling nasa mabuti ang kalagayan ang mga Pilipino na nakatira ngayon at mga nagtatrabaho sa bansang Estonia sa Northern Europe sa kabila ng krisis dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa ulat ni Bombo International Correspondent Jen Grinkin, isang Pinoy entrepreneur sa Estonia, sinabi niyang wala pa sa mga kababayan doon ang nagpositibo sa COVID-19 bagaman sumasailalim ang ilan sa mga ito sa quarantine.

Dinagdag niya na kung may Pinoy man doon na nawalan ng trabaho ay agad silang tinutulongan ng pamahalaan ng Estonia.

Mabilis aniya ang pamamahagi ng financial assistance sa mga taga-Estonia dahil digital na isinasagawa ito.

Sapat naman aniya ang suplay ng mga medical supplies at pagkain sa naturang bansa, habang bukas pa rin ang mga parke paro dapat mahigpit na sinusunod ang social distancing.

Pinuri pa ni Grinkin ang pagsunod ng mga tao doon sa mga alituntunin ng pamahalaan ng Estonia para makaiwas sa coronavirus.

Ayon pa sa kanya, kung makakaramdan ng sintomas ng COVID 19 ang isang tao sa Estonia ay tatawag lamang ito ng ambulansya at may health care worker na tutungo sa kanyang tahanan para doon isasagawa ang testing.

Batay sa huling tala, higit na sa 1,500 ang positibong kaso ng COVID-19 sa Estonia habang 40 na ang nasawi.