LEGAZPI CITY – Ang mabilis na aksyon sa pagputok pa lamang ng kaso ng coronavirus disease sa Pilipinas ang tinitingnan ngayon ng Sorsogon na daholan ng pananatiling COVID-free province.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza, tagapagsalita ni Gov. Chiz Escudero, pinulong agad ng opisyal ang Provincial Health Office at Department of Health (DOH) noon kung ano ang tamang gawin.
Naghigpit rin sa monitoring sa mga barangay lalo na sa mga bagong dating.
Samantala, imbes na barangay health workers ang atasan sa pag-check ng mga ito, mismong barangay officials ang binabaan ng direktiba kasabay ng pamamahagi ng mga bitamina partikular na sa mga mayroong immuno-compromised sa kalusugan.
Prayoridad sa mga nabigyan nito ang mga senior citizens at may malalang sakit.
Patuloy naman ang kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan sa pagpa-swab test kung saan ayon kay Mendoza, mayroong 38 na inirekomendang isailalim sa swab test subalit 25 lamang ang naaprubahan ng DOH.
Sakaling may magpositibo, nakahanda na rin ang isolation facility para sa mga ito.










