Inaasahan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mabagal ang pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas pagkatapos na maalis na ang enhanced community quarantine.
Ayon kay BSP Director for Economic Research Dennis Lapid, “U-shaped recovery” ang inaasahan nilang mangyayari dahil inaasahan na rin nila ang pagbagal naman ng global economic activity bunsod ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Lapid na kung mahina ang global activity, apektado ang turismo, trade, at remittances na makakaapekto para sa pagbaba naman ng gross domestic product (GDP) growth.
Nauna nang sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na ang worst case scenario na maaring mangyari ay magkaroon ng -1 percent economic growth dahil sa global pandemic na ito.
Gayunman, sinabi ni Lapid na nagpatupad na sila ng mga agresibong polisiya para mapangalagaan ang ekonomiya ng bansa.
Kabilang na rito ang 125 basis points reduction sa kanilang key policy rates, na nakikitang makakapagpabuti sa financial conditions at makakapag-suporta na rin sa economic growth ng bansa.