Sinisisi ng beteranong ekonomista na si Marikina Rep. Stella Quimbo ang hindi tuluyang paggamit sa minimum access volume (MAV) kaya mataas ang presyo ng karne ng baboy.
Ayon kay Quimbo, totoong disrupted ang local supply subalit natuklasan sa mga lumabas na datos sa mga pagdinig ng Kamara na hindi nagagamit ng buo ang MAV, na umaabot lang aniya ng 70 percent.
Kaya misteryo para kay Quimbo kung bakit gustong taasan ng 649 percent ang MAV, pati rin kung bakit hindi nagagamit ng lubusan ng mga importers ang kanilang kakayahan na mag-angkat.
Sinabi ni Quimbo na kung tutuusin ay mas kikita pa nga ang mga importers sa pag-aangkat ngayon na mababa ang local supply ng baboy.
Dahil bitin ang dami ng mga inaangkat na karne ng baboy, nananatiling mataas ang presyuhan sa mga pamilihan.
Tatlong dahilan ang nakikita ng ekonomistang kongresista, una rito ay ang pagtaas ng presyo ay hindi lamang dahil mayroong local supply disruptions kundi marahil mayroong “pork mafia” na nasa likod nito.
Pangalawa, dahil hindi pa fully utilized ang MAC, hindi na muna kailangan ang pag-expand nito, lalo ng mahigit 600 percent, hangga’t hindi pa makakapagbigay ng sapat na datos at analysis ang DA at Tariff Commission tungkol sa import volumes sa ilalim ng mas mababang taripa.
Pangatlo, dapat ibaba aniya ang taripa, dahil ito ay makakabawas nang smuggling, na siya ring dahilan kung bakit nakakapasok ang karne ng baboy na infected ng African Swine Fever.