-- Advertisements --

Ikinabahala ng ilang kongresista ang mababang pondong inilalaan ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa susunod na taon.

Sa budget hearing sa Kamara, sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na P2.3 billion lamang ang 2021 allocation para sa mga programa sa mga MSMEs.

Nagkakahalaga lang naman ng P1.5 billion ang pondong inilalaan para sa micro financing ng Small Business Corporation (SBCorp).

Nauna rito, tinanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo si Lopez kung handa ang DTI na tulungan ang mga MSMEs sa gitna ng pandemya.

Ayon kay Lopez, kaya naman nila pero “up to a certain extent” lamang aniya.

Binigyan diin ni Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na “crucial period” para sa ekonomiya ng bansa ang 2021 pero kulang ang pondo ng DTI para sa MSMEs.

Aminado si Lopez na kulang ang pondong ito at umaapela sa mga mambabatas na ito ay madagdagan.

Ang DTI at attached agencies nito ay humihingi ng P20.162 billion, bahagyang mas mababa kung ikumpara sa P20.955 billion na alokasyon sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act.