-- Advertisements --

Muling ipinanawagan ng Department of Health (DOH) ang maagang pagpapasuri para maagapan ang pagkalat ng sakit na tuberculosis kasabay ng pag-obserba ng World TB Day.

Base sa datos mula sa Integrated Tuberculosis Information System ng Epidemiology Bureau noong Pebrero 16, 2026, nakapagtala ang Metro Manila ng 101,807 kaso ng TB.

Kaugnay nito, binigyang-diin ng ahensiya na bagamat nananatiling isa sa pangunahing sakit sa bansa ang TB, ito ay maaaring magamot lalo na kapag maaga itong na-detect.

Ayon kay DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Lester Tan, mayroong nakahandang mga serbisyo para matulungang magamot ang TB kayat hindi dapat ito ikatakot o ikahiya.

Hinimok ng ahensiya ang mga indibidwal na nakararanas ng mga sintomas gaya ng pag-ubo na tumatagal ng dalawang linggo o higit pa, pananakit ng dibdib, lagnat, panghihina, pagpapawis sa gabi at hindi maipaliwanag na pangangayayat na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center.

Ipinaalala ng ahensiya na libre ang mga serbisyo sa public health facilities kabilang ang diagnostic testing at kumpletong gamutan.

Samantala, kasabay ng pag-obserba ng World TB Day, pinalalakas pa ng ahensiya ang mga inisyatibo tulad ng TB screening sa mga komunidad, paaralan at lugar ng trabaho gayundin ang mga interbensiyon sa mga komunidad partikular na ang high-risk populations at pinaigting pa ang health education campaigns para matugunan ang stigma at maling impormasyon hinggil sa TB.