Masyado pang maaga para sabihin na ang naging botohan ng Senado na ibalik sa House of Representatives ang Articles of Impeachment ay siya ring resulta sa hatol kay VP Sara Duterte sa impeachment trial.
Ayon kay Batangas Representative Gerville Luistro ng Batangas, premature na gawing basehan sa magiging desisyon ng Senate impeachment court ang resulta ng botohan nang i-remand nila ang articles of impeachment.
Base sa resulta ng botohan, 18-5 ang boto nang i-remand o desisyunan na ibalik ng Senate impeachment court sa Kamara ang articles of impeachment.
Ayon kay Luistro, hanggat hindi natatapos ng House prosecution team ang presentasyon ng mga ebidensiya, maaga pang sabihin na mananalo ang depensa.
Una rito, magsusumite ng motion for clarification sa Senate impeachment court ang House prosecution team.
Ginamit ng House prosecution panel ang salitang “nalalabuan” sila sa utos ng Senate impeachment court na i-remand o ibalik ang articles of impeachment sa Kamara.
Nilinaw ng Kongresista na hindi nila sinusuway ang Senate impeachment court at gusto lang nila makakuha ng clarification.
Sa usapin naman kung sasaklolo ang prosecution panel sa korte suprema, sinabi ni Luistro na maaga pa para ito ay ikunsidera.