Ikinabahala ni Vice President Leni Robredo ang pagpapapasok ng Pilipinas sa mga Chinese retirees dahil sa posibleng banta raw nito sa seguridad ng bansa.
Binanggit ni Robredo ang report na lumabas sa isang Senate hearing kung saan may 27,678 Chinese retirees ang nandito sa Pilipinas.
“Nakaka-shock talaga na 35 years old na nating mag-retire dito sa Pilipinas. Iyong report, Ka Ely, doon sa Senate hearing ng Department of Tourism (DOT) noong Lunes, October 19, mayroong Chinese retirees na nandito sa Pilipinas—27,678,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.
“Ito, marami na tayong aral sa kasaysayan, baka ano ito, Ka Ely, dangerous sa national security natin. Napakadami na natin. Iyon iyong isang danger.”
Bukod sa national security, malaking banta rin daw ang aniya’y kwestyonableng edad ng retirement ng mga Chinese sa sektor ng paggawa.
Binanatan ni Robredo ang naglipanang POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) na nagbibigay ng trabaho sa mga Chinese.
“Ito na nga iyong nirereklamo ng marami nating mga kababayan: na imbes iyong trabaho— Unang una, iyong POGO dapat hindi pinapayagan dito, kasi number one, ilegal nga siya sa China, ilegal siya sa China tapos pinapayagan natin dito. Iyon iyong number one.”
“Number two, kung kukuha sila ng trabaho dito, maraming Pilipino ang walang trabaho, makikiagaw pa sila sa mga Pilipino.”
Kinuwestyon din ng pangalawang pangulo ang tila maluwag na panuntunan ng Philippine Retirement Authority (PRA), na pumapayag lang na papasukin ng bansa bilang retirees ang mga 35-year old Chinese.
Batay sa datos ni Senate Committee on Labor chairman Joel Villanueva, nasa 6,678 ang bilang ng illegal workers na naharang ng Department of Labor and Employment.
“Dapat nasilip na ito sa umpisa pa lang. Eh ano na, four years na, four years na iyong administrasyon. Bakit pinapayagan—parang pinalampas na ganito?”
“Tapos ang dali, Ka Ely, para makapasok dito. Kailangan ka lang na mayroon kang 2.43 million pesos.”
Naiintindihan naman daw ng bise presidente ang pangangailangan ng ekonomiya ng bansa mula sa ibang estado, pero sana ay hindi naman din maging maluwag ang pamahalaan sa pagpapapasok ng mga dayuhan.
“So sana—sana call ito ng opisina nila na ipa-revisit iyong mga policies kasi nakakatakot ito para sa atin. Kay Secretary—ay, Senator Joel Villanueva, Senator Nancy Binay, saka si Senator Gordon—sila mismo, sila mismo natakot noong nakita nila iyong datos na ito. So sana—sana mahanapan ng paraan ng DOT.”