Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) sa publiko na kayang tukuyin kung peke o hindi awtorisado ang mga plaka.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, mayroong security requirements ang mga plaka na kailangan ng electronic scan kung saan kapag isinalang ito sa scan, hindi lalabas ang security features sa plaka kapag peke.
Paliwanag pa ng opisyal na ang mga plaka ay computer-generated at mayroong QR code na kailangang i-scan para ma-activate ang plaka bago ito ipadala sa ibang bahagi ng planta para ito ay maihanda para sa distribusyon.
Pagkatapos, magsasagawa ng quality check ang ibang team sa mga plaka.
Ginawa ng ahensiya ang naturang pahayag matapos na mahuling nagnanakaw ang 3 sa kanilang empleyado ng mga plaka saka ito ibebenta.
Naaresto ang 3 empleyado ng LTO nito lamang araw ng Biyernes na nagnanakaw ng mga plaka mula sa planta sa Quezon city kung saan ginagawa ang mga ito.
Iniuugnay naman ng mga awtoridad ang nasabing mga suspek namay kinalaman sa scheme na illegal vehicle sales.
Sa naturang modus, sinabi ng LTO chief na ang lider o financier ay bibili ng sasakyan saka iligal na ibebenta ang sasakyan gamit ang duplicated plates at pekeng LTO official Receipts o Certificates of Registration documents.