Ipinakalat na ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang “mystery applicants” sa iba’t ibang bahagi ng bansa para obserbahan at matukoy ang mga anomalya sa lahat ng mga transaksyon sa ahensya.
Sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza II na ang hakbang ay naglalayong higit pang mapabuti ang serbisyo ng ahensya sa usapin ng aplikasyon at pag-renew driver’s license at pagpaparehistro ng mga sasakyan.
Sa ganitong paraan, matutukoy aniya ng LTO ang problema at gagawa ng mga hakbang upang maging mas mabilis at mas maginhawa ang mga transaksyon sa ahensya para sa mamamayang Pilipino.
Aniya, ang mga mystery applicants na ito ay personal na mag-uulat sa tanggapan ng ahensya ng kanilang mga obserbasyon sa lahat ng mga tanggapan ng LTO tulad ng kung gaano kabilis o kabagal ang mga transaksyon.
Dagdag pa ni Mendoza, ang panukalang ito ay magbibigay ng tunay na larawan kung ano ang nangyayari sa iba’t-ibang ahensya, lalo na sa aspeto ng paghahatid ng mga serbisyo sa mga mamamayan.
Una nang binigyang diin ng opisyal na magsisimula rin siya ng mga pagpupulong sa iba’t ibang transport groups at stakeholders at tatalakayin ang mga panukala kung paano pa mapapabuti ang mga serbisyo ng LTO sa buong bansa.