-- Advertisements --
image 361

Kasalukuyan nang isinasagawa ng Land Transportation Office ang sarili nitong pag-aaral upang makapagbigay ng aktwal at konkretong kahulugan ng ‘road rage’.

Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, ito ay kasunod pa rin ng kanilang pagnanais na makapag-laan ng mas mataas na multa sa mga road rage suspects, sa kabila ng lumalalang sitwasyon sa mga kalsada.

Sa kasalukuyan kasi ay magaan lamang ang mga parusa laban sa mga suspek at hanggang sa apat na taon na pagkakakulong lamang ang pinakamabigat dito, habang ang iba pang penalties ay suspension o pagbawi sa mga lisensya.

Ayon kay Mendoza II, kasalukuyan na silang bumubuo ng isang panukalang batas na plano nilang ipresenta sa Kongreso na maaaring maging daan upang magkaroon ng mas mabigat na kaparusahan laban sa road rage.

Paliwang ng opisyal, kailangan nilang maglaan ng konkretong depinisyon at limitasyon sa road rage na siyang unang hakbang para sa pagbuo ng panukalang batas na magbibigay ng mas mabigat na kaparusahan.

Maalalang naging laman ng balita ang road rage sa mga nakalipas na araw, dahil sa sunod-sunod na insidente na pagwawala ng ilang mga nasasangkot sa ibat ibang traffic incident sa Metro Manila.

Ang mga ito ay nakuhanan ng video na nakatulong upang matunton ang mga suspek.