-- Advertisements --
image 210

Insiyuhan ng Land Transportation Office ng show cause order ang may-ari ng SUV na sangkoy sa panibagong road rage incident o away-kalsada na nangyari naman sa Valenzuela city noong Agosto 19.

Sa inilabas na statement ng LTO ngayong araw, ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan ay isang babae na residente sa lalawigan ng Bulacan.

Paliwanag naman ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, inisyu ang show cause order sa layuning matukoy kung sino ang lalaking nagmaneho ng sasakyan nang mangyari ang insidnete sa Barangay Bignay sa Valenzuela city.

Nai-forward na rin aniya ang kopiya ng show cause order sa opisina ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista.

Pansamantala namang sinuspendi ang registration ng SUV sa loob ng 90 araw habang nakabinbin pa ang resulta ng imbestigasyon.

Hinimok naman ang may-ari ng sasakyan na humarap sa LTO-National Capital Region sa Setyembre 14 para magpresenta ng isang notarized affidavit at mga dokumento para magpaliwanag kung bakit hindi dapat ito makasuhan sa paglabag sa Section 48 ng Republic Act 4136 o Reckless Driving, Improper Person to Operate Motor Vehicles at Obstruction of Traffic.

Sinabi din ni Mendoza na makikipagtulungan sila sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno para matukoy at matunton ang driver na sangkot sa road rage incident.

Una rito, sa kumalat na video makikita ang isang lalaki na lumabas ng kaniyang kotse na may hawak na baril nang komprontahin ang isang motorista kung saan itinulak at tinutukan pa nito ng baril.