-- Advertisements --

Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga public utility vehicle (PUV) operators laban sa overloading at overcharging.

Kabilang ang mga nagpapatakbo bilang “colorum” na sasakyan, dahil maaari silang maharap sa mabigat na multa at parusa.

Sa isang pahayag, sinabi ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III na ang babala ay inilabas habang dumadagsa ang mga manlalakbay sa mga terminal ng sasakyan at papunta sa kani-kanilang destinasyon sa pagsisimula ng mahabang Semana Santa.

Bawal aniya ang overloading sa mga pampublikong sasakyan dahil maaaring mapanganib ang buhay ng lahat ng nasa loob ng mga sasakyan.

Nagbabala din ang opisyal laban sa labis na paniningil na nagsasabing ipinagbabawal ito at dapat na mahigpit na sundin ng mga transport company ang fare matrix.

Sinabi rin ni Guadiz na ang mga “colorum” na pribadong sasakyan o ang mga nagpapatakbo bilang for hire na walang kaukulang awtoridad mula sa LTFRB ay ipinagbabawal din ng batas.

Sa mga mahuhuling lalabag sa batas, maaari silang patawan ng multa ng hanggang P15,000 at iba pang kaukulang mga parusa.