Nag-issue ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng isang show cause order sa pamunuan ng Victory Liner, ang bus na sinakyan ng mag live-in partner na binaril kamakailan sa Carranglan, Nueva Ecija.
Dito ay pinagpapaliwanag ng LTFRB ang naturang kumpanya sa kung bakit nabigo itong magbigay ng ligtas, sapat, komportable, at maaasahang Land Public Transportation.
Kasabay nito ay hiniling ng LTFRB ang presensya ng kinatawan ng naturang kumpanya sa isang hearing na itinakda sa Nobyembre-21, araw ng Martes.
Dito ay inaasahang diringgin ang katwiran ng naturang kumpanya ukol sa nangyaring pamamaril.
Maalalang una na ring naglabas ang naturang kumpanya ng isang statement na nagsasabing makikipag-cooperate ito sa mga otoridad, kasabay ng pangakong pagbabantay sa seguridad ng mga pasahero.
Maalalang gabi noong Miyerkules, Nobyembre-15, nang mangyari ang pamamaril sa loob ng bus habang binabaybay nito ang kalsada sa Carranglan, Nueva Ecija.
Ang naturang bus ay galing sa Lungsod ng Tuguegarao at patungo sa Metro Manila.