-- Advertisements --

Walang anumang pagbabago na ipapatupad ang Department of Transportation (DOTr) pagdating sa kapasidad ng pampublikong sasakyan pati na rin sa operasyon ng mga ito matapos na inilagay sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang NCR Plus pati na rin ang ilan pang mga probinsya.

Ayon sa DOTr, kagaya noong enhanced community quarantine, tanging ang mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR) lamang ang papayagang sumakay sa mga pampublikong sasakyan.

Pero ayon kay Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, binilinan sila ni Secretary Arthur Tugade na dagdagan ang ruta ng mga pampasaherong jeepney sa Metro Manila.

Kaya naman simula Abril 13 ay 60 karagdagang ruta ng Traditional Public Utility Jeepney ang bubuksan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).

Magbubukas din ng karagdagang ruta ng provincial buses, alinsunod sa requirements at guidelines ng concernec local government units.

Simula Abril 15, 190 karagdagang ruta ng Provincial Public Utility Bus ang nakatakdang buksan.

Samantala, pinatitiyak naman din ni Tugade sa DOTr ang patuloy na libreng sakay na iniaalok para sa mga health workers at medical frontliners sa buong bansa, gayundin ang para sa mga APORs.