-- Advertisements --
image 455

Nagtakda na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng araw kung kailan didingin ang petisyon na dagdag pasahe ng ilang mga transport group.

Gaganapin ang pagdinig sa Setyembre-12, 2023.

Pero bago ang pagdinig, magpupulong muna ang buong Board sa Agosto-29 upang pag-usapan ang fare hike petition.

Sa kasalukuyan kasi, halos lahat ng mga transport group na ay humihirit ng pamasahe, hindi lamang ang mga jeepney na silang pinakaunang humiling dito.

Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, umaapela na rin ang mga taxi operator ng pagtaas hanggang P70 na minimum flag down rate.

Maliban sa mga taxi, humihirit na rin umano ang mga city at provincial bus na magkakaroon din ng dagdag pamasahe sa lalong madaling panahon.

Pagtitiyak ni Chairman Guadiz, kanilang bubusisiin ang mga petisyon. Dahil sa magkakaiba aniya ang petisyon, kailangan muna nilang bumalangkas ng ankop na fare matrix bago ipasa sa National Economic Development Authority, at tuluyang dingin ang mga nasabing petisyon.