Nakipagpulong ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga kinatawan ng Land Transportation Office (LTO), Metro Manila Development Authority (MMDA), Inter-Agenct Council on Traffic (I-ACT), Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG), at mga local government units sa Metro Manila kahapon April 7,2022 bilang paghahanda sa Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa na magsisimula sa April 8 hanggang April 18.
Napagkasunduan sa nasabing pagpupulong ang magiging gawain ng bawat ahensya bilang parte ng stratehiya para paigtingin ang seguridad sa mga terminal sa mga susunod na araw kung kailan inaasahan ang biglang buhos ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya.
Natukoy rin sa pagpupulong ang mga lugar sa bawat terminal kung saan ilalagay ang Malasakit Help Desks na gagabay sa mga pasaherong bibiyahe ngayong Semana Santa.
Nagsimula naman kahapon ang pag-inspeksyon ng team na galing sa Technical Division at Franchise Planning and Monitoring Division ng LTFRB sa mga terminal na inaasahang pupuntahan ng mga pasahero. Kabilang sa mga ininspeksyon ng ahensya ang mga Integrated Terminal Exchange na nakatalagang start at endpoint ng mga provincial bus.
Tinitiyak ng LTFRB na maayos ang pasilidad ng mga naturang terminal at sumusunod ang mga ito sa public health safety protocols upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
Base sa inilabas na Memorandum Circular No. 2021-051, ang mga sumusunod na Integrated Terminal Exchange ang pinapayagan na magbaba at magsakay ng mga pasahero:
- North Luzon Expressway Terminal (NLET)
- Paranaque Intergrated Terminal Exchange (PITx)
- Santa Rosa Integrated Terminal (SRiT)
- Araneta Center Terminal
- Pinapayagan naman ang mga provincial bus na gamitin ang kanilang private terminal base sa Window Scheme na ipinatupad ng MMDA mula 10:00pm hanggang 5:00am.
Ang Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa ay taunang operasyon ng LTFRB, katuwang ang iba pang ahensya, upang mapanatiling maayos ang biyahe papunta at paalis ng Metro Manila sa gitna ng inaashang pagdagsa ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang probinsya.
Pinapaalala din ng ahensya sa mga driver, operator, at pasahero na sundin ang mga alituntunin ng LTFRB, lalo na sa mga itinakdang sakayan at babaan ng mga provincial bus. Papatawan ng kaukulang parusa ang mga driver at operator na mahuhuling lalabag sa mga alituntunin ng ahensya.
At bilang paghahanda sa inaasahang pagbuhos ng mga biyahero sa mga terminal, pantalan, at paliparan, maari silang tumawag sa mga numerong inilabas ng DOTr at iba pang attached agencies kung may mga katanungan.