-- Advertisements --

Nagbabala ang LPG Marketers Association nitong Martes laban sa mga retailer na nagbebenta ng 11-kilo ng LPG tank na sobra umano sa tamang presyo o higit sa P1,500 ang presyo sa Luzon at higit P1,600 sa Visayas at Mindanao simula sa buwan ng Abril.

Ayon kay Arnel Ty, founder ng samahan, ang kasalukuyang suggested retail price (SRP) ay nasa P1,350 hanggang P1,400 kada tanke. Dahil sa pagtaas ng shipping costs dulot ng limitadong access sa Strait of Hormuz, inaasahang tataas ang SRP sa Luzon nang P1,450 hanggang P1,500 sa susunod na linggo, habang sa Visayas at Mindanao naman ay maaaring madagdagan ng P100 hanggang P250 kada tanke.

Ayon pa sa grupo ang anumang tangke ng LPG na aabot sa P1,600 ay itinuturing na overpriced at maaari raw na mag-reklamo sa barangay at pulisya dahil ‘yan sa umiiral na memorandum of agreement sa pagitan ng Department of Energy (DOE) at Philippine National Police (PNP).

Pinayuhan din ng grupo ang pamahalaan na huwag magpatupad ng price cap sa LPG, dahil maaari itong magdulot ng kakulangan sa suplay, tulad umano na nangyari sa India at Vietnam na pumipila para makabili ng LPG dahil mapipilitan daw ang mga private sector na hindi mag-import.

Noong nakaraang linggo, iminungkahi naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na isaalang-alang ng DOE at Department of Trade and Industry ang price cap sa LPG dahil sa epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.