Nagbabala ngayon ang Pagasa sa mga residenteng nasa mababang lugar nang posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil pa rin sa mga pag-ulan na dulot ng Low Pressure Area (LPA) at southwest monsoon.
Ayon sa Pagasa, asahang magdadala ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila at walong lugar sa bansa dahil sa sama ng panahon.
Kabilang sa mga uulanin ang Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Caraga region.
Samantala, ang northeasterly surface windflow ay posible namang magdala ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na sasamahan ng isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley.
Sa kabilang dako, patuloy pa ring binabantayan ng Pagasa ang isang bagyo na nasa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Huli itong namataan sa layong 1,615 kilometers northeast ng extreme Northern Luzo.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 130 kilometers malapit sa gitna at pagbugsong 160 kph.
Umuusad ito pa-hilaga hilagang-silangan sa bilis na 10 kph.