NAGA CITY – Wala pa umanong napipili ang Liberal Party (LP) kung sino ang susuportahan para sa House speakership.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Camarines Sur 3rd District Rep. Gabby Bordado, sinabi nitong bagama’t pinag-uusapan na nila kung sino ang bibigyan ng suporta ngunit sa ngayon ay wala pa aniyang pinal na desisyon mula sa partido.

Sa kabila nito, umaasa naman si Bordado na magigin maganda ang samahan ng lahat sa ilalim ng sinumang uupo nilang House speaker.

Nabatid na kasama sa mga matunog na pangalan na naghahangad sa naturang posisyon sina Representatives Lord Allan Velasco, Martin Romualdez, Congressman-elect Alan Peter Cayetano, reelected Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez at 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales.

Samantala, nanindigan naman si Bordado na wala naman nakarating sa kanya ng umano’y vote buying na nangyayari sa pagitan ng mga mambabatas para sa nasabing posisyon.