Kinumpirma ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang pagsuspinde sa repatriation ng mga locally stranded individuals (LSIs) papuntang Region VI at VIII sa loob ng dalawang linggo simula ngayong Hunyo 28 para maiwasan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19.
Sinabi ni Lorenzana na kinailangan nilang gawin ito sapagkat ang mga LSIs aniya ang siyang nagdadala ng virus sa mga probinsya base na rin sa datos mula Bacolod at Iloilo City.
Mismo ang mga lokal na pamahalaan aniya ang humingi ng suspension sa repatriation ng mga LSIs.
Dahil dito, kailangan aniya nilang bumuo ng mas magandang procedure para maiwasan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19 sa buong bansa.
Dahil dito, pinapayuhan ni Lorenzana ang mga LSIs na maghintay na lamang sa kung saan sila pansamantalang naninirahan sa ngayon.
Hinimok din ni Lorenzana ang mga LSI na huwag munang pumunta sa mga paliparan at pantalan.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na sinuspinde ng pamahalaan ang pagbiyahe sa mga LSI para maresolba muna ang concerns ng mga lokal na pamahalaan hinggil sa pagkalat ng COVID-19 sa kanikanilang mga probinsya.










