-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nagsampa na ng reklamo ang provincial government ng Agusan del Sur upang mabawi mula sa pagkaka-display sa Manila National Museum ang na-taxiderm na katawan ng pinakamalaking buwaya sa buong mundo na si Lolong.

Ayon kay Nonoc Plaza, Provincial Information officer ng Agusan Del Sur-LGU, dismayado ang mga mamamayan ng kanilang lalawigan, pati na ng buong Caraga Region, at lalong lalo na ang mga taga-Bunawan, dahil hindi naisauli ang katawan ni Lolong sa kanilang lugar.

Ayon kay Plaza, ginawan pa naman ng local museum sa Brgy. Consuelo si Lolong upang doon ito idi-display.

Napagkasunduan aniya noong kinuha ang labi ni Lolong na isasa-ilalim lamang ito sa forensic examination at taxidermy process upang ma-preserve bago ito muling dadalhin sa lugar kung saan ito nakuha upang doon na tuluyang idi-display.

Malaking kawalan sa buong rehiyon ayon kay Plaza ang hindi pagsasauli ng katawan ni Lolong sa bayan ng Bunawan, Agusan del Sur kung saan ito nakuha noong Setyembre 2011.

Makakatulong din sana ito sa pangkabuhayan ng mga residente dahil dadayuhin ito ng mga turista.