LAOAG CITY – Nagwala ang isang senior citizen matapos niyang hindi makita ang Partylist na nais niyang iboto sa bayan ng Dingras, Ilocos Norte.

Kinilala ni Police Senior Master Sgt. Jasyon Calma ng PNP-Dingras ang nasabing lalaki na si Boy Noreiga, 63-anyos at residente sa nasabing bayan.

Ayon sa report, nang nasa loob na ng presinto ang nasabing lolo ay hindi nito nakita ang mga Partylist na nasa likod ng balota dahilan ng kanyang pag-iinit ng ulo.

Lumalabas pa na sinisi ng nasabing lalaki ang mga guro na nagsisilbing Board of Electoral Inspectors (BEIs).

Inihayag umano ng lalaki kung bakit hindi ipinaalala ng mga BEI na nasa likod ng balota ang mga partylist.

Sinabi naman ng mga otoridad na hindi nakainom ng alak ang lalaki kundi dahil lamang sa init ng ulo kaya ito nagwala.