-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Patay ang isang 62-anyos na lolo na patungo sana sa simbahan makaraang tambangan ng hindi pa nakilalang gunman sa Barangay Bulabod, Malinao, Aklan.

Paakyat na sana sa Monastery of the Lady of Fatima ang biktimang si Nonito Salvador Nam-ay nang barilin siya ng isang lalaking nakabuntot sa kanya.

Masuwerteng hindi tinamaan ang dalawang anak na kasama nito na pawang menor de edad matapos niyang paunahin nang masira ang kanyang suot na tsinelas.

Nagtamo ito ng tatlong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Samantala, sinabi ni P/Lt. Zacarias Rose, OIC chief of police ng Malinao Municipal Police Station, inaalam pa nila kung may kinalaman ang krimen sa nangyaring pagpatay noong buwan ng Nobyembre sa isa pang magsasaka na si Lauro Fernando sa nasabi ring lugar.

Nabatid na si Nam-ay ay akusado sa naturang krimen, ngunit nabasura ang kaso at subject for refiling.

Apela ng pulisya, iwasan muna ang mga espekulasyon habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.