KALIBO, Aklan – Nagsumbong sa tanggapan ng pulisya ang isang lola na nagtitinda ng gulay sa palengke sa bayan ng Numancia, Aklan.

Kinilala ang biktima na si Tessie Tabuena Reyes, 69, residente ng Barangay Joyao-joyao, Numancia, Aklan.

Samantala, ang Vietnamese na suspek ay nakilala lamang sa pangalang “Mai-mai” at pansamantalang nangungupahan sa isang boarding house sa Barangay Poblacion sa naturang bayan.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Numancia Police Station, ang dayuhan ay nagpapautang sa ilang negosyante sa nabanggit na palengke at magbabayad umano ang mga ito ng P20 bawat araw.

Ngunit P10 lamang umano ang kayang maibigay ng matanda dahilan kaya nagalit ito at ibinato pa sa kanya ang naturang barya.

Akmang hahawakan sana ng matanda ang kamay ng suspek ngunit naunahan siya nito sa pagtulak at kinagat pa ang kanyang kamay.

Dahil dito, napasugod ang Lola sa Aklan Provincial Hospital sa bayan ng Kalibo para magpaturok ng anti-rabies.

Samantala, ang kaso ay ipinaubaya ng Numancia PNP sa barangay justice system ng Barangay Poblacion, Numancia, Aklan para sa kaukulang imbestigasyon.