-- Advertisements --

LAOAG CITY – Siniguro ni Mayor Cresente Garcia sa bayan ng Burgos na may sapat na tulong na maibibigay sa mga residente kung matatagalan pa ang pagbabawal sa mga mangingisda na pumalaot dahil sa abiso ng Philippine Space Agency sa space rocket ng China.

Sinabi ni Mayor Garcia na agad namang naabisuhan ang kanyang mga kababayan na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpunta sa dagat hangga’t walang direktiba ang provincial government tungkol dito.

Iginiit nito na sa nasabing hakbang ay maiiwasan ang anumang puwedeng masamang mangyari sa mga ito.

Samantala, sinabi naman ni Pol. Col. Julius Suriben, Acting Provincial Director ang Ilocos Norte Police Provincial Office na nakafull alert ang PNP dito sa lalawigan dahil sa posibleng mangyari o pagbagsak ng debris ng rocket ng China.

Ayon kay Suriben, wala namang impormasyon kung gaano kalaki ang debris na puwedeng mahulog at kung ano ang magiging epekto nito.

Ganunpaman, kinalma nito ang pagkabahala ng mga tao dahil ito ay tatama sa karagatan.

Maalala na nagpakawala ang China ng Long March 7A carrier rocket noong gabi ng Martes.