Inihayag ng DOH na posible ang local transmission ng Omicron subvariant XBB.1.16 o tinawag na Arcturus.
Ipinunto din ng ahensiya na ang tumataas na bilang ng infections sa naturang subvariant ay walang kaugnayan sa international cases o walang history ng exposure
Una ng iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapag-detect ng 3 bagong kaso ng Omicron subvariant XBB.1.16 o Arcturus sa Pilipinas kayat pumapalo na sa 4 ang kumpirmadong kaso ng naturang variant.
Batay sa latest COVID-19 biosurveilance report ng DOH mula Abril 26 hanggang Mayo 6, tatlo ang napaulat na kaso ng Arcturus sa Region 6.
Una ng iniulat ng DOH na ang unang kaso ng Arcturus sa bansa ay mula sa probinsiya ng Iloilo at asymptomatic na kalaunan ay idineklarang nakarekober na.
Iniuri ng World Health Organization (WHO) at ng European Center for Disease Prevention and Control (ECDC) ang Arcturus bilang variant under monitoring na isang sublineage ng omicron na may kakayahang malabanan ang immunity at sinasabing mas nakakahawa.
Ayon naman sa risk assessment ng WHO sa naturang variant, sinabi ng DOH na walang pagbabago sa severity dulot ng Arcturus na napaulat sa mga bansa kung saan laganap ang naturang virus.