-- Advertisements --
rice3

Naitala ang halos 13 milyong metriko tonelada ng palay sa unang siyam na buwan ng 2023 (mula January hanggang September).

Batay sa record ng Department of Agriculture(DA), umabot sa 12.82 milyon metriko tonelada ang kabuuang naaning palay sa mga sakahan sa buong bansa.

Mas mataas ito ng 2.31% kumpara sa 12.53% noong unang siyam na buwan ng nakalipas na taon.

Una nang sinabi ng DA sa pagsisimula ng 2023 na inaasahan nila ang mas mataas na produksyon ng lokal na palay ngayong taon.

Sa katunayan, batay sa naging pagtaya ng DA, posibleng aabot ng hanggang 20 milyon metriko tonelada ang lokal na produksyon ng palay sa buong Pilipinas ngayong taon.

Ito ay mas mataas ng 1.5% kumpara sa 19.7 milyon metriko tonelada na unang naitala noong nakalipas na taon.

Umaasa rin ang DA na malaking bahagi ng lokal na produksyon ang mapapasakamay sa National Food Authority(NFA), lalo na at una na ring tinaasan ang buying price ng palay.

Maalalang noong Setyembre 18 ay inaprubahan ng National Food Authority Council ang pagtaas ng buying price ng palay.

Mula sa dating P19 kada kilo ng dry ay ginawa itong P23 kada kilo habang ang wet na dating binibili ng P16 kada kilo ay ginawa itong P19.00 kada kilo.